Bago ako matulog napaisip ako sa bahay namen. Sa mga nakaraang taon, naging puntahan na kame ng mga tao, mga kamag-anak man o sila o hindi Pero ang pinakanakatutuwang yugto ng buhay ng bahay namen ay di dahil sa mga kamag-anak na parating lumalagi dito. Kung hindi yung mga taong wala kaming relasyon bilang pamilya.
Bata pa lang ako, naging mapagpatuloy na si nanay sa mga bisita. Lahat ng tao imbitado sa bahay. At dahil ako lang naman ang nagiisang anak, di ko pa alintana ang kahalagan ng pagiging matuluyin ng isang tahanan. Noong akoy elementarya pa lamang napansin ko ng labas-masok ang mga taong di ko kilala sa bahay, akala ko’y di naman sila magtatagal dahil di naman sila duon nakatira o kaya makikikuha lang ng tubig, pero di maglalaon ay dun na din sila nakikikain. wari ko, may isa sigurong elemento sa bahay naman na nakikita at napapansin ng mga tao para tumuloy sila
Ganun na talaga ang nakagisnan ko simula pa lang. Naaalala ko pa nga nuon na minsang nakituloy ang grade 2 kong titser sa bahay kasi daw sabi ni nanay, natanggal daw si Guro sa trabaho nya. Napagisip isip nila nanay at tatay na kupkupin na lang ang guro ko kasi nakiusap naman sya. Di ko na nga lang maalala kung paano umalis si guro sa bahay. Kung iisipin mo: Nasaan na kaya siya? Siguro naalala nya na sa buhay nya na minsan may isang pamilya ang pinatuloy sya sa bahay nila. At naway maalala kami ni guro sa kaunting tulong na naibigay namen.
Isa pang nakakaginhawang pangyayari ay yung insidente ng kapatid ng dating kapitbahay namin. Akalain mo, nung lumipat ang mag-anak sa ibang bahay, iniwan ng kapatid nyang may pamilya yung damit at gamit ng kapatid nyang lalake sa harap ng pinagiwanan nilang pintuan! Sino ba naman ang di madudurog ang puso kapag nangyari yun sa iyo! At dahil tapat lang naman kami ng bahay nila eh, kinausap ni “kuya willie” sila nanay para kung pede ay patuluyin muna daw sya kahit sa labas lang. Di nagatubiling nagsabi si tatay na malaki ang bahay naman para sa kanya. At laking pasasalamat nya ng akuin at ituring syang parte ng pamilya namin na di nagawa ng sarili nyang kapatid! Halos isang taon din syang namalagi sa amin. At nung umalis na sya, mangiyak-iyak na inaalala ni mama ang emosyonal na pamamaalam ng lalaki. Bagaman pinipigil ang luha, nagbilin pa si Kuya willie na sana daw, kahit “ganoon” ang kapatid na pinalayas sya, eh “tingnan tingnan” pa din daw nila siya. Nasaan na siya: Nasa visaya na at may sariling pamilya na. Akalain mo, naging maganda din naman ang buhay nya pagkatapos ng yugto ng buhay na inilagi nya sa bahay namin.
Si ate marivic naman yung sumunod. Ang adik at estapadorang naging-kaibigan ni nanay. At dahil na kuha ng bangko ang bahay at lupa nila, san pa naman sila tutuloy kundi sa bahay ng maibigin-naming bahay! Hindi ko alam kung pano sila nanay at at Marvic naging magkaibigan. Pero naalala ko lang, mabait naman si ate marivic. Siya pa nga ang nabili ng ulam kapag wala kaming hain sa lamesa. Pero di nagtagal, dahil sa naihain sa kanyang kaso, hinuli sya ng mga pulis kinagabihan sa bahay. Muntik pa ngang madamay si nanay dun dahil sa pagaakalang tinatago pa nya yung kaibigan nya. Pero sa awa ng dios, di naman nadamay si nanay.
Kung iisaisahin ko aabot siguro sa isang dosena ang naging matagalan naming bisita. May isa pa nga na bading na parlorista na si Babeth. Dun kumakain sa bahay. Kala nga namen nabaliw na sa problema yun. Nawala nga lang sya sa bahay na parang bula. At kailanman ay di na naman sya nakita muli. May isa pang ngang pamilya ang tumuloy. OO! Lima sila sa pamilya, nademolish kasi yung katabing settlement sa amin kaya kami ang naging pansamantalang bahay-tuluyan nila.
Sa dumaang panahon, ngayun ko lang napagtanto ang kahalagahan ng isang pagiging mabuting kamag-anak at kabit-bahay. Dati kasi isinasawalang bahala ko kung sino man ang nakatira sa amin. Ang gusto ko lang sa kanila ay umalis. At dahil ako’y isang adulto na din, at may pinapatirang di ko din kamag-anak sa bahay, Tama lang sigurong gayahin ko ang ehemplong ipinakita ng magiliw kong ina sa bawat bisita namin.
Nararapat lang na isipin na maganda ang nakatutulong kesa sa natutulungan. Mas magaan sa puso kapag nakikita mo silang natutuwa kasi ang pagiging matuluyin ang pinakamagandang maibibigay mo sa mga taong nangangailangan ng tahanan. Bagaman di naman kami mayaman at ang buhay namin ay payak, di kami naghirap o napabayaan man lang.
Kaya sa pagdaan ng panahon, naging maganda man ang bahay ko o hindi. Lilinangin ko pa din ang halimbawang ibinahagi sa akin ng aking mga maibiging magulang. Di ko itataboy ang mga taong nangangailangan, at kung anu ang pagkain namin ay pagkain din nila. At kung anung probleman nila ay problema ko din. At kung san sila matutulog ay dun ako matutulog. Kung anu ang bahagyang maitutulong ko, ay ibibigay ko pa din. Nawa’y dagdagan pa yun maliban sa kamatayan na maglalayo ng pagtulong ko sa akin at sa iyo